RIZAL, Philippines — Tatlo sa anim na miyembro ng Akyat-bahay Gang na naaktuhang nagnanakaw sa loob ng bahay sa isang subdivision ang gulpi-sarado sa taumbayan kamakalawa ng hapon sa Barangay Sto. Domingo sa bayan ng Cainta, Rizal. Pormal na kinasuhan habang nakakulong ang mga suspek na sina Rhandy Marcellano, 29; Bill Sevilla, 32; at si Jessie Malicdim, 30, pawang nakatira ng Pasig City. Nakatakas naman ang tatlo pang suspek, na ang isa ay nakilalang si James Ryan. Base sa police report, pinasok ng mga suspek ang isa sa bahay sa Village East Executive Subd. nang mamataan kaya naipagbigay-alam sa mga security guard. Nang rumesponde ang mga sekyu ay nagpulasan ang mga suspek, ngunit tatlo sa kanila ang minalas na makorner at ginulpi ng mga residente.