BULACAN, Philippines — Dalawang kalalakihan na sinasabing notoryus na karnaper at drug pusher ang nadakma ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group sa isinagawang buy-bust operation sa gasolinahang sakop ng Barangay Burol sa bayan ng Balagtas, Bulacan kahapon ng madaling-araw. Pormal na kinasuhan ni P/Chief Insp. Marlon Santos ang mga suspek na sina Jayson Landayan, 29, ng Brgy. Poblacion, Pandi, Bulacan at Joselito Magisa, 31, furniture maker, ng Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan. Nasamsam sa mga suspek ang ilang gramo ng shabu at ang P30,000 mark money na ginamit sa operasyon. Nabatid na si Landayan ay isa sa mga suspek sa kinarnap na Toyota Fortuner (RFW-989) sa Bacolor, Pampanga noong Agosto 13, 2010 at panghahalay sa dalawang estudyante sa motel sa bayan ng Pulilan, Bulacan. Boy Cruz at Dino Balabo