MANILA, Philippines - Sumuko na ang ikatlong suspek sa kaso ng pagpatay kay Palawan environmental advocate at media practitioner na si Dr. Gerardo “Gerry” Ortega kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat, si Rodolfo “Bomar” Edrad, Jr., ay personal na sumuko kay Puerto Princesa Mayor Edward Hagedorn at sa National Bureau of Investigation sa bayan ng Gumaca, Quezon.
Si Edrad ay sinasabing may direktang nalalaman sa mastermind sa pagpatay kay Ortega.
Nagbigay din ng impormasyon si Edrad na mga dating politiko sa Tanauan, Batangas ang nag-utos na patayin si Ortega sa halagang P1 milyon.
Ikinanta pa nito na bukod kay Ortega dalawa pang broadcaster sa Palawan ang isusunod sanang itumba ng grupo.
Base sa record ng pulisya naaresto ang dalawang naunang suspek na sina Marlon Dicamata de Chavez at look out na si Dennis Aranas.