BAGUIO CITY, Philippines — Rehas na bakal ang binagsakan ng isang anak na lalaki ng Overseas Workers Welfare Administration-Cordillera regional director makaraang maaresto ng mga tauhan ng Highway Patrol Group sa kasong carnapping at bawal na droga.
Kinilala ni Highway Patrol Regional Unit-Cordillera director P/Senior Supt. Vladimir Kahulugan ang suspek na si Karl Michael Laranang ng Sto. Tomas, La Union na kinasuhan ng carnapping sa Baguio Justice Hall kung saan umaapela sa Parole and Probation Office para sa kasong illegal possession of firearms matapos maaresto noong 2009. Bineberipika ng pulisya kung may kaugnayan si Laranang sa Dominguez carnapping group.
Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, si Laranang ay sinasabing lider ng carnapping group na may operasyon sa Region 1 at Cagayan Valley region.
Base sa inisyung warrant of arrest ni Judge Cleto Villacorte ng Regional Trial Court Branch 6 laban kay Laranang sa kasong carnapping noong 2010.
Si Laranang ay sinasabing anak ni OWWA-Cordillera region director Evelyn Laranang. Ayon pa kay Kahulugan, nang eskortan ng pulisya si Laranang sa Justice Hall, nadiskubre sa pocket nito ang pinatuyong dahon ng marijuana na nakarolyo ng cigarette foil.