CAVITE, Philippines — Apat na bala ang tumagos sa iba’t ibang bahagi ng katawan na agarang ikinamatay ng isang basurero matapos na pagbabarilin ng isang sekyu habang namumulot ng basura sa loob ng dumpsite sa Brgy Salawag, Dasmariñas City kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni P/Supt. Gerardo Umayao, hepe rito kinilala ang biktima na si Roldan Nalimutan Sevilla, 34-anyos, may asawa, scavenger at residente ng Brgy San Antonio, San Pedro, Laguna habang mabilis namang tumakas ang suspek na si Junjun Gloria Garcia, 34-anyos, security guard at residente ng Sitio Silangan, Barangay Salawag ng nabanggit na lungsod.
Sa imbestigasyon ni PO2 Alex Alovera, may hawak ng kaso dakong ala-1 ng hapon ng mamataan ang biktima na pumasok sa loob ng dumpsite upang mamulot ng basura na kasalukuyang binabantayan ng suspek.
Nagkasagutan umano ang biktima at ang sekyu na humantong sa pamamaril ng huli sa basurero na nasapul ng tama ng bala sa ulo at dibdib na siya nitong ikinamatay.
Narekober naman sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal.45 pistol.