Pulis, lider ng PAG utas sa shootout
MANILA, Philippines – Napaslang ang isang parak at ang isang itinuturong lider ng Private Armed Group (PAG ) na pangunahing suspek sa pagpatay sa dalawang opisyal ng PNP noong 2010 sa naganap na engkuwentro sa Gamu, Isabela kahapon ng umaga.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt Agrimero Cruz Jr., naganap ang engkuwentro dakong alas-6:38 ng umaga sa Barangay Guibang, Gamu ng nabangit na probinsiya sa pagitan ng mga awtoridad at grupo ng suspek.
Idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan si SPO2 Rovielle Laggui ng Ist Manuever Platoon ng Provincial Police Security Command.
Kinilala naman ang napatay na suspek na si Elmer Aquino alyas Erong na sinasabing principal suspect sa pagpatay kina Inspector Jelowie Antonio at PO3 Jaime Manaligod kapwa kasapi ng Police Intelligence and Security ng Isabela Police.
Nabatid na sina Antonio at Manaligod ay nagsasagawa ng casing operation laban sa suspek na itinuturong lider ng Private Armed Groups na minamantine ng isang prominenteng pulitiko sa Isabela bukod pa sa pagiging pinuno ng isang cattle rustling group sa lalawigan.
Nabawi sa napaslang na suspek ang isang 9mm Ingram machine pistol at cal. 38 revolver na pag-aari ng pinatay ng grupo ng suspek na si Antonio.
- Latest
- Trending