BULACAN, Philippines — Nanawagan si Mayor Reynaldo San Pedro ng San Jose del Monte Bulacan sa kanyang mga kababayan na pag-aralan ang kabutihang maidudulot ng itinayong Engineered Sanitary Landfill ng Vicente G. Puyat sa kanilang lungsod sa halip na magpakalat ng paninira laban sa proyekto.
Umapela ang alkalde sa gitna ng mga mapanirang akusasyon na ibinabato ng ilang hindi sumasang-ayon sa nasabing proyekto.
Inilahad ni Mayor San Pedro na sa mga nakaraang panahon ay malaking problema ang basura na itinatapon lamang sa open dumpsite sa Minuyan at Citrus na pinagmumulan ng mga reklamo, petisyon, protesta at kaguluhan.
Bukod pa ang pagbabanta ng Department of Environment and Natural Resources sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan dahil sa paglabag sa RA 9003 o and Solid Waste Management Act of 2003.
Ayon pa sa alkalde, sa halip na batikusin ay dapat suriin at bantayan ng mga mamamayan ng San Jose del Monte ang VGP upang masigurong hindi ito susuway sa itinatadhana ng batas.
Siniguro ng alkalde na pangungunahan ang paghahain ng reklamo laban sa VGP sakaling magkaroon ito ng paglabag sa batas.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ng VGP sa pamamagitan ng presidente nitong si Raymond Puyat na ang itinayong Engineered Sanitary Landfill sa Manila Newton Estate ay isa sa Asia's state of the art sanitary landfill.
Matatagpuan din sa nasabing lupain ang 9-hole golf course, driving range at country club.