4 utas sa flashflood/landslide

MANILA, Philippines –  Apat-katao ang iniulat na nasawi, isa ang nawawala, isa sugatan habang 81 naman ang nadale ng diarrhea sa patuloy na pag­hagupit ng  low pressure area sa Visayas at Min­danao Region umpisa pa noong Lunes.

Ayon kay National Di­saster Risk Reduction Ma­nagement Council Executive Director Benito Ramos, ang LPA ay nagdulot ng landslide at flashflood sa ilang lalawigan sa Region 8,10,11 at Caraga region.

Maging ang 81-katao ay nadale ng diarrhea sa bayan ng San Francisco, Southern Leyte, 23 sa mga biktima ay naka-confine sa Pintuyan District Hospital habang 58 naman nasa San Ricardo Health Center.

Kabilang sa mga nasawi ay sina Christopher Laraga, 20; Alger Jorge Boholano, 42, kapwa residente ng Gingoog City, Misamis Oriental; Rocel Antipuesto ng Purok 8, Brgy. Elizalde, Maco, Compostela Valley  na tinangay naman ng malakas na agos ng tubig baha sa Hijo River.

Gayon pa man, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa nagmula naman sa Brgy. Dona Rosario, Tubay, Agusan del Norte habang ginagamot naman si Noel Moldera ng Gingoog City.

Sa Region 11, rumagasa ang tubig-baha mula sa Hijo River sa Purok 2, Brgy. Panibasan, Maco at Compostela Valley kung saan pitong barangay sa ARMM na nasa tabing dagat sa Jolo, Sulu ang tinamaan ng tidal waves.

Aabot naman sa 309,779-katao mula sa 429 barangays sa mga lalawigan ng Southern Leyte sa Region 8, Misamis Oriental, Misamis Occidental; Camiguin sa Region 10, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur at Dinagat Island sa Caraga Region at Sulu sa ARMM ang naapektuhan ng landslide at flashflood.

Show comments