P1.5M para sa nasunog na paaralan

SUBIC, Zambales, Philippines — Ipinag-utos ni Zambales Gov. Hermogenes Ebdane Jr. ang pagpapalabas ng P1.5-milyon mula sa Special Education fund ng provincial government kaugnay sa rehabilitasyon ng paaralan sa liblib Aeta community ng Batiawan na nasunog noong nakalipas na linggo.

Sa isinagawang inspek­syon ni Ebdane sa nasunog na Batiawan Integrated School noong Enero 26 natuklasang nagmula sa faulty electrical wiring ang apoy kung saan naabo ang 3 silid-aralan kasama ang mga mesa at upuan, mga libro at mga record ng silid-aralan na ginagamit ng mga six grader at high school students.

Ayon sa gurong si Gemma Prieto, naagapan ang pagkalat ng apoy sa dalawa pang kalapit na gusali ng paaralan makaraang magtulung-tulong ang mga residente.

“May dalawang buwan pa bago mag-summer break, at ang mga bata ay kailangan ang silid-aralan,” pahayag ni Ebdane habang nakikipag-pulong kina Subic Mayor Jay Khonghun, mga opis­yales ng Batiawan village sa pamumuno ni Barangay Chairman Jesus Liwag, at Zambales provincial engineer Neil Farala.

Base sa tala, aabot lamang sa 2,500 ang populas­yon ng Barangay Batiawan subalit walang access road ang mga residente patu­ngong bayan ng Subic kung saan dumaraan lamang sa bayan ng Dinalupihan, Bataan at Floridablanca, Pampanga upang marating ang nabanggit na barangay.

Show comments