2 kidnaper na pulis tiklo

RIZAL, Philippines — Rehas na bakal ang binagsakan ng apat na kalalakihan kabilang ang dalawang pulis matapos maaresto ng mga awtoridad dahil sa pagkakasangkot sa kasong kidnapping sa bahagi ng Sitio Bugarin, Barangay Halayhayin sa bayan ng Pillila, Rizal kamakalawa.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Manuel Cesar Prieto, kinilala ang mga suspek na sina PO2 Archie Alvarado, 34, ng Brgy. Bagumbayan at nakatalaga sa Provincial Investigation Branch ng Rizal PNP; PO2 Noel Montemayor, 40, nakatalaga sa Tanay PNP; Ricardo Oliveros, 28, ng Brgy. Darangan at si Ivan Iposada, 30, ng Brgy. Kay Buto na pawang nasa bayan ng Tanay, Rizal.

Kabilang sa kinidnap ng mga suspek ay sina Henrick Sarmiento, 34, negosyante, ng Brgy. San Jose, Morong, Rizal at Perry Teodoro, 39, ng Brgy. Dalig, Cardona, Rizal.

Base sa ulat, sina Sar­miento at Teodoro na magkaangkas sa motorsiklo nang parahin ng mga suspek saka  sapilitang isinakay sa van na may plakang GXL-715.

Namataan naman ng isang concern citizen ang insidente sa insidente kaya ipinagbigay-alam sa himpilan ng pulisya kaya mabilis na naglatag ng checkpoint sa mga exit point.

Nang masabat ang sasak­yan ng mga suspek ay agad na bumaba si PO2 Alvarado at nagpakilalang pulis.

Dito na sinamantala ni Sarmiento na tumalon mula sa van kung saan humingi ng saklolo sa mga nagbabantay sa checkpoint.

Hindi na nakapalag ang mga suspek kabilang na ang dalawang pulis.

Show comments