BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines – Siyam na rebeldeng New People’s Army (NPA) ang pormal nang kinasuhan kaugnay sa pag-ambush at pagpatay sa 5-alagad ng batas sa bayan ng Rizal, Cagayan.
Ayon kay P/Senior Supt. Mao Aplasca, police provincial director, ang kasong 5-counts of murder at two counts of frustrated murder ay isinampa noong Biyernes sa Provincial Prosecutors Office laban kay Jose Asco, alyas Baylon at walong iba pang kasamahan nito.
Ayon naman kay Col. Loreto Magundayao, hepe ng civil-military operations battalion ng 5th Infantry Division sa Gamu, Isabela, kinilala si Asco bilang pinuno ng combat operations ng Danilo Ben Command sa Cagayan.
Kinilala din ang anim sa walo na sina Edison “Ronel” Erese, Divina “Arlene” Erese, Nestor “Rivas” Romero, Rolito “Lanlan” Raza, Ancalao “Hitler” Ballong, at si Michael Pascual.
Matatandaan na inambush at napatay ng grupo ni Asco ang mga pulisya na sina P/Chief Inspector Antonino Rueco, hepe ng Rizal Cagayan; asawang si SPO2 Maryann Rueco, pamangkin na si PO1 Herminio Rueco, PO2 Jose Baquiran at si PO1 Joven Jimenez habang sugatang nakaligtas naman sina PO1 Valiant Bustamante at SPO4 Edison Lagua.
Inamin naman ng mga rebelde ang krimen subalit hindi binanggit sa kanilang pahayag ang motibo ng kanilang pagpatay sa mga pulisya.