MANILA, Philippines – Isa pang suspek na kabilang sa mga pumaslang sa brodkaster ng RMN Palawan ang nasakote sa lalawigan ng Quezon kamakalawa.
Sa ulat ni Quezon Provincial Police Office (PPO) Chief P/Sr. Supt. Erickson Velasquez, kinilala ang suspek na si Dennis Aranas, nagsilbing lookout sa pamamaslang kay Dr. Gerardo Ortega, brodkaster ng programang “Ramatak" sa RMN na nakabase sa Puerto Princesa City, Palawan.
Una nang nasakote ang gunman na si Marlon Dicamata, itinuro ng mga testigo na siyang bumaril sa biktimang si Ortega noong Lunes sa isang Ukay-ukay store sa Puerto Princesa City.
Nabatid na nagdesisyon umanong sumuko si Aranas sa Quezon PPO sa Lucena City pero nagbago ng isip kaya’t inaresto na ito.
Sinabi pa ni Velasquez na hindi armado ang suspek at hindi nanlaban ng arestuhin ng kaniyang mga tauhan.
Inihayag naman ni Puerto Princesa City mayor Edward Hagedorn na mula sa dating P500,000.00 ay itinaas na sa P1.3M ang reward para sa sinumang makapagtuturo sa ikaaresto pa ng ibang mga suspek na sangkot sa pamamaslang kay Ortega.
Samantalang una na ring sinampahan ng kasong murder ang mga suspek na sangkot sa krimen kabilang si dating Palawan Provincial Administrator Atty. Romeo Seratubias na natukoy na may-ari ng baril na ginamit ng hired killer na si Dicamata sa pagpatay kay Ortega.