MANILA, Philippines - Niyanig ng pagsabog ng bomba ang isang masayang kasalan ng isang magsing-irog na tumiwalag sa kilusan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang patungo na ang mga ito sa simbahan sa Brgy. Balagtas, Unisan, Quezon kamakalawa. Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) IV-A, bandang alas-9 ng umaga ng mangyari ang insidente sa mismong araw ng kasalan ng mga rebel returnee na sina Mariefe Abraham at Manuelito Binosa sa Brgy. Balagtas, Unisan ng nasabing lalawigan. Kasalukuyang naglalakad na patungo sa simbahan ng St. Peter the Apostle Church sina Abraham at Binosa kasama ang kanilang pamilya, mga kamaganak at kaibigan sa naturang barangay ng biglang sumambulat ang itinanim na bomba bunsod upang magpanakbuhan ang mga bisita. Wala namang naiulat na nasugatan at nasawi sa nasabing pambobomba na ginamitan ng Improvised Explosive Device (IED) ng mga rebeldeng dating kasamahan ng mga biktima. Samantalang natuloy rin ang kasalan makalipas ang ilang oras.