QUEZON , Philippines – Pinagtulungang pagtatagain hanggang sa mapatay ang isang 70-anyos na biyudo ng tatlong kalalakihan sa bisinidad ng Barangay Anonang sa bayan ng Mulanay, Quezon kamakalawa ng umaga. Halos magkagutay-gutay ang katawan ni Manuel Tagle habang nadakip naman ang mga suspek na sina Dante Mendoza, 41; Dan Rey Mendoza, 19; at si Joel Mendoza, 34, pawang nakatira sa Barangay Burgos. Ayon kay PO3 Noel Palmiano, iniipon ng biktima ang mga niyog upang gawing kopra nang pagtulungan ng mag-aama. Lumilitaw na nataga ng matanda ang mag-amang Dante at Dan Rey subalit patraydor naman siyang tinaga ni Joel sa likuran hanggang sa maganap ang pamamaslang.