Brodkaster uli itinumba

MANILA, Philippines - Isa na namang brodkaster ang iniulat na napaslang sa panibagong karahasan laban sa mga mamamahayag sa harapan ng tindahan sa Barangay San Pedro, Puerto Prin­cesa City, Palawan kahapon ng umaga.

Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo, napuruhan sa sentido si Dr. Gerardo “Jerry” Ortega ng Radio Mindanao Network (RMN) Palawan dwAR 103.9.

Sa tala ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) si Ortega ang ika-142 journalist na pinaslang sa bansa simula ng manumbalik ang demokrasya noong 1986 at ikalawa sa mga mamamahayag na napatay sa ilalim ng termino ni Pangulong Benigno “NoyNoy”Aquino III kung saan unang pinatay ang radio reporter na si Miguel Belen ng Iriga, Camarines Sur.

Si Ortega ay commentator ng programang Rama­tak na napapakinggan sa pagitan ng alas-6:30 hanggang alas-9 ng umaga kung saan isa sa masusing kritiko ng Palawan governor at ang pinakahuling binanatan nito sa radyo ay ang Malampaya gas project ng pamahalaan ang ilang operasyon ng minahan.

Nabatid na naging Bokal din si Ortega sa nabanggit at kumandidatong gobernador.

Naganap ang pamamaslang bandang alas-10 ng umaga habang abala ang biktima sa pamimili ng mga damit sa tindahan ng ukay-ukay na nasa gilid ng highway.

Kasunod nito, naaresto naman ng mga awtoridad ang itinuturong gunman na si Malvin Alcaraz na sumasailalim sa tactical interrogation.

Show comments