8 carjackers, timbog
MANILA, Philippines – Bumagsak sa mga awtoridad ang notoryus na lider ng Onad carjacking gang at pito pa nitong tauhan sa isinagawang operasyon sa Dasmariñas City, Cavite kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasakoteng suspek na Ronaldo Santiago, Joselito Sarabia, Carlo Cabrera, Arnold Alipon, Allan George Cariaga, Phillip Santos, Joseph Hilario at Ramir Santiago. Nabatid na si Santiago ang lider ng Onad Carnap Gang na isa sa grupong target ngayon ng PNP dahil sa sunud-sunod na insidente ng carjacking sa Metro Manila.
Sa report na tinanggap kahapon ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo, nagsagawa ng follow-up operation ang PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG), Pasay City Police, Bataan Police at Cavite Provincial Police Office (PPO) kaugnay ng tangkang pag-carjack sa isang Hyudai Starex van sa Dinalupihan, Bataan noong Enero 18. Nakipagkoordinasyon sa kanila ang Bataan Police kung saan isinailalim sa surveillance ang mga suspek.
Ayon kay CALABARZON Police Director Chief Supt. Samuel Pagdilao, bandang alas-2:30 ng madaling-araw ng matunton ang hideout ng mga suspek sa Phase 2, Brgy. Paliparan, Dasmariñas, Cavite.
Sa nasabing operasyon ay nagkaroon ng ilang minutong putukan hanggang sa makorner ang mga suspek sa loob ng kanilang hideout.
Narekober mula sa grupo ang dalawang (2) caliber 38 revolvers, isang (1) 12 gauge shotgun, paraphernalia sa paggamit ng shabu at iba’t ibang uri ng mga kagamitan na imported kabilang ang medical equipment na kanilang na hijack.
Ayon sa pulisya, sangkot rin ang mga suspek sa serye ng panghoholdap, carjacking sa Pasay, Las Piñas, at Makati City.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga nasakoteng suspect.
- Latest
- Trending