P.5 M produkto hinayjak
MEYCAUAYAN CITY, Bulacan , Philippines — Dalawang araw matapos na ihaydyak ng anim na mga armadong kalalakihan na nakasuot ng police jacket ang isang aluminum van na naglalaman ng kalahating milyong pisong produkto ay narekober ito ng pulisya ang trak sa lungsod kahapon ng umaga. Wala ng laman ang sasakyang Isuzu Elf Truck (TVB-747) na pag-aari ng United Freight Services Development Corporation na naglalaman ng 240 kahong mayonaise ng matagpuan nina SPO3 Edgar Domanais at barangay tanod na si Mario Openario na nakakita dito dakong alas-11:45 ng umaga sa isang lugar sa Brgy. Malhacan. Base sa imbestigasyon nakatakda sanang ideliber ang produktong pag-aari naman ng Uniliver Corporation sa Parañaque City ngunit pagsapit sa Valenzuela St. sa Bacood Park, Sta. Mesa, Manila ay bigla silang pinara ng isang Mitsubishi Adventure na kulay puti at isang motorsiklo sakay ang mga armadong lalaki at nagpakilalang mga kagawad na pulisya. Agad na pinababa ang driver at pahinante ng trak habang nakatutok ang iba’t ibang kalibre ng baril saka mabilis na pinasibat ito sa hindi matukoy na direksyon.
- Latest
- Trending