MANILA, Philippines - Sinibak na kahapon sa puwesto matapos masampulan sa one strike policy kontra jueteng ang hepe ng Antipolo City Police sanhi ng kabiguang masugpo ang talamak na illegal number game sa kaniyang nasasakupan. Kinilala ni CALABARZON Police Director Chief Supt. Samuel Pagdilao Jr., ang sinibak sa puwesto na si Antipolo City Police Chief P/Supt. Manuel Pion. Ayon kay Pagdilao ang pagsibak kay Pion ay matapos ang pagkakaaresto ng limang kataong sangkot sa operasyon ng jueteng sa Antipolo City kamakalawa. Una nang ipinag-utos ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo ang one strike policy kontra jueteng. Sa kasalukuyan, ayon pa kay Pagdilao ay nagsasagawa pa sila ng konsultasyon sa alkalde ng Antipolo City para sa opisyal na hahalili sa puwestong binakante ng sinibak na si Pion. Binigyang diin ni Pagdilao na ang pagsibak kay Pion ay dapat magsilbing babala na seryoso ang PNP sa pagsugpo sa jueteng.