MANILA, Philippines - Natusta ang katawan ng isang 2 buwang sanggol na babae at ng dalawa pang paslit na magkapatid makaraang aksidente ang mga itong makulong ng apoy sa nasusunog nilang tahanan sa Atimonan, Quezon at Baguio City, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Supt. Engelbert Soriano, Spokesman ng Baguio City Police, nagmistulang uling ang bangkay ng sanggol na inaalam pa ang pagkakilanlan sa nangyaring sunog dakong alas-5:45 ng umaga nitong Biyernes sa lungsod ng Baguio. Ang sanggol ay anak ng mag-asawang Mia Consuelo Romero at Christian Romero, isang nurse.
Base sa imbestigasyon, tinupok ng apoy ang 2 storey na gusali na pag-aari ni Leo Salcedo, 60 anyos, retiradong seaman sa #129 B Evangelista St., Leonila Hill ng lungsod na ito kung saan na-trap ang sanggol na nabigong mailigtas dahilan masyado ng malaki ang apoy.
Naapula naman ang apoy bandang alas-7:10 ng umaga matapos na magresponde ang mga bumbero kung saan tinatayang P5M hanggang P10M ang pinsala sa naturang sunog. Sa isa pang insidente, nasawi rin ang magkapatid na paslit na sina Karen Saniel, 6-anyos at bunso nitong si Zyra matapos masunog ang kanilang bahay sa Blessed Home Subdivision, Brgy. Caridad Ibaba, Atimonan, Quezon, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naiwan ang mga bata ng kanilang ina nang masunog ang kanilang kubo. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang mga insidente.