Eastern Samar nasa state of calamity
MANILA, Philippines - Isinailalim na sa state of calamity ang Eastern Samar na sinalanta ng pagbaha at landslide bunga ng malalakas na pag-ulan na sanhi ng tail end of the cold front.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Office of Civil Defense, umaabot na sa 29 barangay sa bayan ng Dolores, Eastern Samar ang lumubog sa tubig-baha.
Samantala, pito ang nasawi sa mga pagbaha kabilang ang anim sa Eastern Samar at isa naman sa kanugnog na lalawigan ng Northern Samar dulot ng pagragasa ng flashflood.
Kabilang sa mga namatay ay sina Marcos Maestre, Gleiza Rivera, Jerome Cornala, Alfredo Alvero, Julius Ellorando, at si Veneranda Maestre na pawang taga-Eastern Samar at si Mark Paul Agilando ng Northern Samar.
Samantala, nasa 2,400 residente ang inilikas bunga ng mga pagbaha habang nasa P148 milyong halaga ng ari-arian ang pinsala ng kalamidad.
Ang mga pagbaha at landslide ay nagsimulang maranasan sa walong rehiyon sa bansa umpisa pa nitong huling bahagi ng Disyembre hanggang sa kasalukuyan.
Patuloy naman ang isinasagawang relief operations sa mga biktima ng kalamidad.
- Latest
- Trending