BENGUET, Philippines – Habambuhay na pagkakulong ang inihatol ng mababang korte laban sa isang misis na vegetable dealer makaraang mapatunayang nagpapakalat ng ipinagbabawal na droga sa Barangay Bayabas sa bayan ng La Trinidad, Benguet noong Disyembre 9, 2006.
Matapos ang apat na taong paglilitis, nagpalabas ng 12-pahinang desisyon na petsang Enero 7, 2010 si Judge Marybelle Demot-Mariñas ng Regional Trial Court Branch 8 laban sa akusadong si Amy Dasigan na guilty sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) ng Republic Act 9165.
Bukod sa habambuhay na hatol ay pinagmumulta si Dasigan ng P.5 milyong kung saan may karagdagang parusa na 12 hanggang 14 na taong pagkakulong at multang P.3 milyon.
Sa record ng korte, si Dasigan ay naaktuhang nagbebenta ng shabu sa bisinidad ng Bayabas, La Trinidad, matapos magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Cordillera Administrative Region (CAR) December 9, 2006, kung saan 6-plastic sachet ng shabu (.52 gramo) ang nakumpiska.