Pulis kalaboso sa pagnanakaw
KIDAPAWAN CITY, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng isang opisyal ng pulisya matapos madakip sa kasong pagnanakaw ng malakas na kalibreng baril ng provincial director ng North Cotabato Provincial Police Office.
Pormal na kinasuhan si P/Insp. Erwin Tabora, dating hepe ng operations section ng North Cotabato PNP at naging precinct 4 kumander ng Cotabato City PNP.
Ayon sa ulat, maliban sa pagnanakaw ng baril, may ilang beses din nagpa-load sa mobile phone sa tindahan sa Barangay Amas si Tabora, gamit ang pangalan ni P/Senior Supt. Salinas kung saan umabot na raw ang utang nito sa P30, 000.
Nadiskubre ang insidente ni Salinas bago pa mag-Bagong Taon kung saan inamin naman ni Tabora ang nagawang krimen. Base sa tala ng PNP, tumanggap pa ng commendation si Tabora mula kay Cotabato Governor Lala Talinio-Mendoza kaugnay sa mga rebeldeng NPA na sumuko ng Nobyembre.
Ilang araw makalipas ang pagsuko, kinuwestyun ng kilusang komunista ang identity o pagkakilanlan ng mga surrenderee at sinabing mga peke ang mga ito.
- Latest
- Trending