LTO officer itinumba ng pulis
MANILA, Philippines - Napaslang ang liaison officer ng Land Transportation Office (LTO) sa Sulu makaraang pagbabarilin ng limang kalalakihan kabilang na ang isang pulis sa loob ng hotel malapit sa airport ng Zamboanga City kahapon ng umaga.
Sa ulat ni acting Zamboanga City PNP director P/Senior Supt. Edwin de Ocampo, kinilala ang napatay na si Abdulhamin Mohammad Bandahala, 41, tubong Indanan, Sulu at nakatalaga sa LTO Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Sulu.
Nasakote naman ang mga suspek na sina PO2 Bensaudi Sakiran ng Talipao PNP station; Alnaser Labor, Garwas Tulawid, Kibar Pala at ang drayber na si Cabrera Hassan.
Sinabi ni de Ocampo na naganap ang krimen sa front desk ng Azenith Royale Hotel sa Gov. Camins Road na may ilang metro lamang ang layo sa Zamboanga City Airport.
Nabatid na nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Bandahala at PO2 Sakiran kaugnay sa agawan sa hotel room kung saan humantong sa suntukan ng dalawa.
Nakipasabwatan na rin ang mga kasama ni PO2 Sakiran kung saan pinagbabaril ang biktima bago tumakas ang mga suspek.
Sa follow-up operation ng pulisya nasakote naman ang mga suspek na nakumpiskahan ng dalawang baril habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest
- Trending