PNP officer na nangharas ng reporter, sinibak
LUCENA CITY, Philippines – Sinibak na sa puwesto bilang hepe ng Quezon PNP Intelligence Branch ang isang opisyal ng pulisya na nang-haras sa reporter noong Huwebes (Enero 6) sa loob ng Camp Nakar sa Lucena City, Quezon.
Epektibo ngayong araw ng Lunes ang relief order na inisyu ni P/Chief Supt. Samuel Pagdilao, Calabarzon police director laban kay P/Supt Ramon Balaoag habang isinasagawa ang imbestigasyon kaugnay sa reklamo laban sa kanya ni Jhonny Glorioso,Quezon provincial correspondent ng ABS-CBN dzMM-Radio.network.
Pansamantalang inilipat si Balaoag sa hindi tinukoy na departamento sa Camp Vicente Lim, Calamba City, Laguna.
Gayon pa man, sa panayam kay Balaoag, itinanggi nito na hinaras niya si Glorioso, at nais lamang sirain ng reporter ang kanyang imahe sa publiko.
Samantala, hindi lamang ang National Union of Journalist of the Philippines (NUJP-Quezon Chapter) ang kumukundena sa inasal ni Balaoag kundi nagpaabot na rin ng pagkadismaya sa sinibak na opisyal ng pulisya ang mga miyembro ng Camp Nakar Press Corps, Quezon Tri-Media Group at ang United Media Organization.
- Latest
- Trending