'Panlilinlang' ng mga opisyal kinondena
LAGUNA , Philippines —Lalo lamang idiniin ni Calamba City Mayor Joaquin Chipeco ang sarili kaugnay sa sinasabing pakipagsabwatan sa National Bureau of Investigation at ilan pa para mapagtakpan ang pinaniniwalaang P26.6 milyong maanomalyang transaksyon ng City Hall dahil sa ipinalathala nitong paliwanag sa mga pahayagan.
Ito ang tahasang sinabi nina Atty. Edgardo Abinales at Dr. Severino Vergara, mga nagsampa ng graft, criminal at administrative charges laban kina Chipeco, NBI chief Magtanggol Gatdula at iba pa kung saan mariin din nilang kinondena ang sinasabing panlilinlang ng mga opisyal.
“Incredible itong si Mayor Chipeco, hindi kapani-paniwala ang paliwanag niya. Una, bakit noong April 15, 2010 lang niya ini-report na may nawawalang dalawang checkbook ang City Hall gayong Peb. at Marso ay inabisuhan sila ng PNB Calamba na may na-encash na mga tseke mula sa mga nawawalang booklet?” pahayag ni Abinales.
Base sa statement of accounts na natanggap ni acting Treasurer Liberty Toledo, matapos maberipika ang signatories sa mga nawawalang tseke ay inaprubahan ng PNB Calamba ang pagbabayad sa mga ito noong Peb. 2, 25 at 26, 2010 at Marso 1, 3, 4, at 30, 2010.
Sa panig ni Chipeco, pineke ang pirma nila ng City Treasurer sa napa-encash na mga tseke.
Pinagdudahan naman ni Abinales ang hindi pagsasampa ng kaso laban sa ‘payees’ sa nai-encash na mga tseke kasama si ex-Vice Mayor Pursino Oruga, na signatory din sa 12 checks, na hindi nagsabing pineke ang pirma niya sa mga ito, na hindi man lang inimbestigahan ng NBI.
“Nakapagtataka kung bakit mula Abril 15 hanggang Sept. 1 ay hindi pinatawan ng suspensyon ni Chipeco ang mga sangkot na kawani na posibleng nasa likod nang pagkawala ng checkbooks at pamemeke,” pahayag naman ni Vergara
Sinasabi pa ni Vergara na kung talagang determinado si Chipeco na may mapapanagot sa katiwaliang ito ay dapat nagpataw ang alkalde ng preventive suspension o kasuhan ang mga nasa likod ng anomalya.
- Latest
- Trending