4 NPA, 2 pa todas sa encounter
MANILA, Philippines - Apat na mga rebeldeng New People’s Army at dalawang security forces ng pamahalaan ang iniulat na napaslang makaraang sumiklab ang engkuwentro sa magkahiwalay na lugar sa Davao Oriental at Compostela Valley, ayon sa ulat kahapon.
Unang sumiklab ang sagupaan sa Sitio Magum, Brgy. Saoqueque, Baganga, Davao Oriental noong Biyernes kung saan nakasagupa ng mga tauhan ng 1st Platoon ng Davao Oriental Public Safety Company ng Davao Oriental Provincial Police Office sa pamumuno ni PO2 Lemuel Mangociao ang mga rebelde.
Nabatid na nasabat ng mga operatiba ng pulisya ang mga rebelde na sinasabing planong sunugin ang ilang heavy equiptment ng Lao Construction Company na pag-aari ni Vicente Lao.
Base sa impormasyon, humihingi ng revolutionary tax ang NPA kay Lao na contractor sa proyekto ng Baganga Bridge pero nagmatigas itong ‘di magbayad.
Umabot sa 5-minuto ang bakbakan ng magkabilang panig kung saan napatay si PO1 Junar Lauresta.
Apat namang rebelde ang bumulagta, isa rito ay narekober ang bangkay ni alyas Ka Rey habang ang iba pa ay binitbit ng mga kasamahang rebelde at inilibing sa kagubatan.
Sa isa pang insidente, sinabi ni Army’s 10th Infantry Division Spokesman Lt. Col. Medel Aguilar, nakasagupa naman ng tropa ng 71st Infantry Battalion ang mga rebelde sa Sitio Cambaric, Brgy. Libudon, sa bayan ng Mabini, Compostela Valley noong Sabado ng umaga.
Umabot sa 15-minuto ang sagupaan kung saan napatay naman ang isang sundalo na hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan.
- Latest
- Trending