4 police trainees inatake ng ibon
MANILA, Philippines - Sa pambihirang pagkakataon sa halip na masugatan sa engkuwentro sa mga rebeldeng grupo, apat na police trainees ang isinugod sa pagamutan matapos na atakehin ng isang ibon na mistulang buwitreng nagwala sa isang training school sa Zamboanga City kamakalawa.
Ayon kay Zamboanga City Police Director Sr. Supt. Edwin de Ocampo, naganap ang insidente sa loob ng training camp ng Regional Training School-9 ng Philippine Public Safety College (PPSC)sa Brgy. Pasonanca ng lungsod dakong alas-7:55 ng umaga.
Isinugod sa Zamboanga City Medical Center sa tinamong sugat at mga galos sa katawan ang mga biktima mula sa tuka at matatalim na kuko ng isang imported na ibong ‘cassowary’, isang uri ng ibon na kasing laki ng ‘ostrich'.
Kinilala ang mga biktima na sina Inspectors Jaime Cubilla, Nicanor Bautista, Media Lapangan Jr. at isa pa na tinukoy lamang sa apelyidong Yabo.
Sa phone interview, sinabi naman ni Supt. Redentor Retusto, Director ng RTS 9 (PPSC) na ang mga biktima na nagtamo ng mga sugat sa matalim na kuko at tuka ay sinagot ang gastusin ng lokal na pamahalaan na mayari ng ‘aviary' kung saan nakawala ang ibon.
Kasalukuyang nagpapahinga ang isang grupo ng mga police trainees nang biglang umatake ang galit na galit na ibon na sunud-sunod na pinagkakalmot at pinagtutuka ang mga biktima na pawang nakasuot ng kulay berde habang sumasailalim sa training.
“Our police trainees treated the bird well, hindi nila binaril", ayon kay Retusto dahilan 'animal lover' ang naturang mga pulis at ipinalalagay rin nito na dahilan sa pagbabago ng klima ang sanhi ng pagwawala ng ibon na dati ng gumagala sa kanilang training camp.
- Latest
- Trending