SUBIC BAY FREEPORT ZONE, Philippines – Apat na opisyal ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 o mas kilala bilang Anti-Graft and Corrupt Practices Act noong Nobyembre 2010 sa Office of the Ombudsman.
Kabilang sa mga kinasuhan ay sina SBMA Administrator Armand Arreza, Senior Deputy Administrator for Support Services Ramon Agregado, Deputy Administrator for Administration Robert Martinez at Planning and Development Office Manager Ruel John Kabigting.
Sa sinumpaang salaysay ni SBMA deputy administrator for Legal Affairs Atty. Randy Escolango, nagsabwatan sina Arreza, Agregado, Martinez at Kabigting upang siya ay patalsikin sa puwesto.
Nagsimula ang insidente noong Mayo 2010, matapos hingin ni Agregado ang legal opinion ni Escolango kaugnay sa termino ng panunungkulan ng SBMA chairman at administrator.
Hindi naman nagustuhan ni Agregado, ang opinion ni Escolango matapos ikatwirang hanggang Abril 2, 2010 na lamang ang kapangyarihan ng dalawang posisyon, base na rin sa paliwanag ng Korte Suprema sa kasong Kua vs Barbers (2008) at Gordon vs Santos (1998).
Gayon pa man, iginiit ni Agregado kay Escolango na baguhin ang kanyang legal opinion, ngunit kanya itong tinanggihan, at pinanindigan ang kanyang legal opinion.
Sa kabila ng maraming accomplishment sa trabaho ni Escolango ay pinatawan pa siya ni Agregado ng bagsak na 1.7 na Perfromance Evaluation Rating kung saan kinasuhan pa siya ng administratibo nina Arreza.