MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa tatlong bata makaraang matabunan ng putik ang kanilang tahanan dulot ng malalakas na pag-ulan sa bayan ng St. Bernard, Southern Leyte noong Linggo ng hapon.
Kinilala ni National Disaster Risk and Reduction Management Council Executive Director Benito Ramos, ang nasawing mag-utol na sina Fatima, 5; at Rodel Descallar, 1 habang isa pang nawawala taliwas sa unang napaulat ay patay na narekober kahapon ng umaga si Jordan Laquipon, 2, sa Purok 4, Brgy. Bolobolod, St. Bernard.
Bandang ala-una y medya ng hapon nang manalasa ang landslide sa Brgy. Bolodbolod, St. Bernard kung saan naapektuhan ang 1,000-katao na nasa paanan ng kabundukan.
Magugunita na noong Pebrero 17, 2006 mistulang delubyo ang pananalasa ng landslide sa Barangay Guinsaugon, St. Bernard, Leyte na kumitil ng 1,000-katao
Flashflood: 2, 000 Inilikas
Umaabot sa 2,000 katao ang inilikas matapos manalasa ang flashflood sa ilang bayan at dalawang lungsod sa Agusan del Norte, ayon sa ulat kahapon.
Sa report na tinanggap ng National Disaster Reduction and Risk Management Council, kabilang sa mga apektado ng tubig-baha ay ang mga bayan ng San Francisco, Agusan del Sur, Surigao City at Butuan City gayundin ang bayan ng Jabonga sa Agusan del Norte.
Sa bayan ng San Francisco, aabot sa 1,117-katao ang inilikas kahapon ng madaling-araw sa gymnasium ng munisipyo na nagsilbing evacuation center.
Nasa 72 pamilya naman ang inilikas mula sa Brgy. San Juan, Surigao City at aabot sa 200 katao ang naapektuhan sa bayan ng Jabonga, Agusan del Norte.
Samantala, sa Butuan City ay nasa 300-katao naman ang inilikas patungong evacuation center matapos maapektuhan ng tubig-baha matapos umulan ng dalawang araw.