Magpinsan inutas sa welding shop
BANGUED, Abra, Philippines – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa magpinsang lalaki habang dalawang iba pa ang malubhang nasugatan makaraang pagbabarilin ng mga ’di-pa kilalang lalaki sa bisinidad ng Zone 7 sa bayan ng Bangued, Abra noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang mga napaslang na sina Rodrigo Tagudar Jr. at Orlando Tagudar, nadamay naman ang mag-ina ni Orlando na sina Janeth Tagudar, 44, kawani ng DAR at Jay Allan Tagudar, 21.
Si Rodrigo na nasapol sa tiyan ay namatay habang ginagamot sa Abra Provincial Hospital. Ayon ulat, si Rodrigo ay nakaupo sa labas ng kanilang welding and vulcanizing shop nang ratratin habang si Orlando at ang kanyang mag-ina ay pinagbabaril sa loob ng kanyang bahay na katabi ng welding shop.
Si Orlando ay napuruhan sa ulo habang si Janeth ay tinamaan sa kaliwang tenga at si Allan naman ay sa mukha at likurang bahagi ng katawan.
- Latest
- Trending