Pambobomba sa Sulu provincial capitol silat
MANILA, Philippines - Nasilat ng security forces ang pambobomba matapos marekober ang isang eksplosibo na itinanim sa provincial capitol ng lalawigan ng Sulu kahapon ng madaling araw.
Sa panayam, sinabi ni Lt. Col. Randolph Cabangbang, Spokesman ng AFP-Western Mindanao (AFP-Westmincom) pasado alas-2 ng madaling-araw ng itanim ng dalawang kahina-hinalang lalaki ang isang bagahe na naglalaman ng bomba sa compound ng provincial capitol.
Napansin naman ng provincial guard na naka-duty ang nasabing mga lalaki na lulan ng motorsiklo na nag-iwan ng bagahe na natuklasang naglalaman ng bomba sa compound ng provincial capitol na kinaroroonan ng tanggapan ni Sulu Governor Abdusakur Tan.
Tinangkang habulin ng Special Action Force (SAF) ang mga suspek pero mabilis ang mga itong nakatakas patungo sa direksyon ng Brgy. Bangkal, Patikul, Sulu.
Agad namang na-detonate ng Bomb Explosive and Disposal Unit ng security forces ng Sulu Police at Philippine Marines ang nasabing bomba na nadiskubreng gawa sa 81 MM mortar.
Magugunita na noong pasko ay pinasabog ang Sacred Heart Cathedral sa Jolo, Sulu na ikinasugat ng 11 katao kabilang ang nagmimisang pari na si Fr. Rick Baculcol.
- Latest
- Trending