7-anyos todas sa boga ng ama

MANILA, Philippines –  Nabahiran ng trahedya ang pagdiriwang ng kapaskuhan ng pamilya ng isang 7 -anyos na batang babae matapos itong mapatay nang aksidenteng mabaril ng kaniyang lasing na amang Sanggunian Bayan member sa Bangued, Abra kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Abra Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Amando Laguiwid, ang biktima na si Reyma Jace Tandi.

Arestado naman ang suspek na si Rey Tandi, 37-anyos, Sangguniang Bayan member sa bayan ng Tineg.

Batay sa imbestigasyon, sinabi ni Laguiwid na naganap ang insidente sa inuupahang bahay ni Tandi sa CRC compound sa Brgy. Calaba, Bangued, Abra bandang alas-8:45 ng gabi kung saan nakatakda sanang magdaos ng Noche Buena ang kanilang pamilya. Nabatid na sinundo ng kaniyang misis si Rey habang nakikipag-inuman di kalayuan sa kanilang tahanan sa nasabing lugar kung saan pagdating sa kanilang tahanan ay nag-away ang mag-asawa na dito nag-agawan pa sa baril na hawak ng suspect.

Sa gitna ng pag-aagawan ay aksidenteng pumutok ang cal. 45 pistol at nasapul   sa kaliwang dibdib ng anak na si Reyma Jace.

Ang biktima ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan habang inaresto naman ng mga nagrespon­deng awtoridad ang nasabing suspek. Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang cal. 45 pistol na may limang bala habang nahaharap naman ngayon sa kasong kriminal ang nasabing SB member.

Show comments