OIC ng security agency inutas
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines — Dead on the spot ang isang Officer- In-Charge (OIC) ng isang security agency matapos na pagbabarilin ng mga hindi pa nakilalang mga armadong salarin sa Brgy. Nursery, Masbate City kamakalawa.
Ang biktima ay nakilalang si Edwin Molina, 35, may asawa, OIC ng VSM Security and Investigation Agency, tubong Brgy. Hobo, Minalabac, Camarines Sur at pansamantalang nakatira sa naturang lugar.
Batay sa ulat ng pulisya, naitala ang krimen dakong alas-2 ng hapon habang ang biktima ay nakasakay sa isang tricycle na may plate no. ES-2297 na minamaneho ni Rafael Rodriguez.
Kasalukuyang pauwi na ang biktima sa kanilang tahanan galing sa port area ng biglang sumulpot ang riding in tandem at pagbabarilin ito.
Nang bumulagta ang biktima ay kinuha ng mga suspek ang bag na dala nito saka mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng Crossing St., Brgy. Tugbo ng naturang lungsod. Nagsasagawa na ng followup operations ang mga awtoridad sa kasong ito.
- Latest
- Trending