SANTIAGO CITY, Philippines – Libu-libo kinabibilangan ang mga kamag-anak, kaibigan, guro/propesor, kaklase at kakilala ng mga naging biktima ng sunog na kumitil sa buhay sampung nursing graduates ang nakiramay sa loob ng University of La Salette gymnasium sa Santiago City, Isabela.
Ito ay matapos na idaan sa loob ng school campus ang lima sa sampung nasawi sa sunog upang masilayan ng kanilang mga kaklase at mga kaibigan.
Binalot ng kalungkutan ang buong campus kung saan kapansin-pansin sa mukha ng mga mag-aaral at mga guro ang labis na pagdadalamhati.
Una nang dinala sa mga tahanan ang mga labi ng limang iba pa matapos sunduin ng kamag-anak ang labi ng mga biktima sa Ortiz Funeral ng Tuguegarao City, Cagayan.
Matapos ang isang misa kahapon sa loob ng unibersidad ay dinala na rin sa Alaminos, Pangasinan ang mga labi ni Francis Carambas, ang ika-10 nursing examinees na nasawi.
Maliban kay Carambas ay namatay din sa sunog sina Marlon Justin Viernes, Jerome Saet, Henderson Lodevico, Romualdo Respicio, Richard Allen Gonzales, Nel Mar Galapia, Ryan James Malaki, Neil Jenzen Lopez at si Jose Julius Gadduang na binawian ng buhay sa Saint Paul Hospital ng Cagayan.
Nasawi rin sa sunog ang pamilya at mag-anak na sina Norman Fondevilla, Amibel Fondevilla, Mildred Fondevilla, Karyll De Leon, Josh de Leon at ang kasambahay na si Jenny.
Nangako naman ang pamahalaang lokal ng Isabela kabilang na si Vice Gov. Rodito Albano na magbibigay ng tulong pinansiyal sa mga pamilya ng trahedya.
Buong puwersa ng Tuguegarao BFP, sinibak
Samantala, matapos sibakin ang hepe ng Bureau of Fire Protection sa Tuguegarao City, Cagayan ay tuluyan na ring sinibak ang buong pwersa ng BFP upang bigyan daan ang imbestigasyon sa naganap na sunog noong Linggo ng madaling-araw.
Ayon kay P/Senior Supt. Sergio Soriano, BFP regional director, lahat ng mga opisyal at tauhan ng BFP sa Tuguegarao City ay sinibak upang bigyan ang fact-finding team na imbestigahan ang kapabayaan ng mga nasibak sa puwesto noong kasagsagan ng sunog na kumitil sa buhay ng 16 katao na kinabibilangan ng mga nursing board examinees.
Iginiit pa ni Soriano na hindi siya manghihinayang na magsampa ng kaukulang kaso sa kanyang mga tauhan kung mapatunayan na nagpabaya sa kanilang tungkulin habang nasusunog ang Bread and Breakfast Pension House.