CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Hindi na umabot pa ng Pasko ang anim na construction workers kabilang na ang kanilang amo nang masawi matapos mahulog sa matarik na bangin ang kanilang sasakyan sa bahagi ng Brgy. Malitlit, Sta. Rosa City, Laguna noong Lunes ng tanghali.
Kinilala ni PO1 Aries Lazares ang mga namatay na sina Violeta Tamayo, 56, contructor, ng Balintawak, Quezon City; asawang si Amado Tamayo, 50; mga trabahador na sina Ramy Falco, Arvin Coros, 33; Joemon Ostaga, 27; kapwa nakatira sa Taguig City at si Eduardo Blacer, 26, ng Quezon City.
Swerte namang nakaligtas si Jose Falco, 33, na isinugod sa Southern Luzon Hospital and Medical Center at inilipat sa National Orthopedic Hospital para gamutin matapos magtamo ng mga sugat at bali ng buto.
Ayon sa police report, tinatahak ng mga biktima ang kahabaan ng highway sakay ng passenger-type jeep (DTY-788) mula sa Quezon City nang mawalan ito ng preno hanggang sa mahulog sa may 50-metrong lalim na bangin sa pagitan ng River Bend Subd. at Sitio Hemendez bandang ala-1:30 ng hapon.
“Mag-iinstall daw sana sila ng flooring ng bahay sa subdivision sa Sta. Rosa pero naligaw sila, kaya mabilis ang takbo para humabol sa schedule hanggang sa malaglag sa bangin,” ani PO1 Lazares
Narekober naman ang mga kagamitan kabilang na ang P40,000 cash na itinurnover na sa pamilya ng mga biktima.
Dinala sa San Isidro Labrador Funeral Homes ang mga labi ng mga biktimang nasawi sa trahedya.