Fact finding team binuo vs Cagayan fire
MANILA, Philippines - Ipinag-utos na kahapon ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo ang pagsibak sa puwesto laban sa hepe ng Tuguegarao City Fire Marshal matapos masunog ang pension house na ikinamatay ng 15-katao kabilang ang siyam na nursing examinees noong Linggo ng madaling-araw.
Sa text message sa PNP reporter, kinilala ni Robredo ang sinibak na opisyal na si Chief Inspector Neil Caranguinan, hepe ng Tuguegarao City Fire Marshal.
Ayon kay Robredo, sinibak si Caranguinan upang bigyang daan ang isasagawang imbestigasyon hinggil sa tunay na pinagmulan ng apoy na ikinasawi ng 15-katao.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid naman na ang sunog na sanhi ng short circuit ay nagsimula sa storeroom na naglalaman ng flammable materials kung saan karamihan sa mga biktima ay estudyante mula sa La Sallete University sa Santiago City, Isabela at Aldersgate College sa Solano, Nueva Vizcaya na kukuha ng nursing licensure examination sa nabanggit na lungsod.
Pinaiimbestigahan na rin ng DILG kay Tuguegarao City Mayor Delfin Ting ang bigong pagpapatupad ng City Business Permit Section sa safety inspection ng gusali na nadiskubreng hindi dumaan sa fire safety inspection clearance para 2010.
Samantala, nakipag-ugnayan na ang DILG kay Justice Secretary Leila de Lima para sa mga kasong pwedeng isampa laban sa mag-asawang may-ari ng pension house na sina Pete at Arased Fondevilla na nasugatan sa sunog at ngayon ay nasa Cagayan Valley Regional Medical Center.
Kabilang sa mga nursing graduates na pinaniniwalaang nilamon ng apoy ay sina Jerome Saet, Frances Caranbas, Nelmar Galapia, Marlon Viernes, Ryan James Malaki, Richard Alan Gonzales, Ronwaldo Respicio, Narl Gensan Lopez at si Henderson Welle Lodevico.
Nasawi rin sa sunog sina Norman Fondevilla, Amibel Fondevilla, Mildred Fondevilla, Karyll De Leon, Josh de Leon at ang kasambahay na si Jenny.
Naisugod naman sa Tuguegarao People’s Hospital ang mga sugatang sina Dondi Viernes, Joricar Agconor, Richard Rodriguez, Jerome Lactao, Alejandro Ralph Marcial, Hencee De Laza, Joe Tuliao, Ian Gadduang, Joni Tamani, Sony Boy Corpuz at Wisdom Nurca.
Lumilitaw na ang pamilya Fondevilla ay may-ari rin ng Sunshine Motor Parts Center na nasa ground floor ng nabanggit na pension house.
Death toll: 16 na patay
Umaabot na sa 16-katao ang namatay sa malagim na sunog kamakalawa sa pension house sa Tuguegarao City, Cagayan, ayon sa opisyal kahapon.
Ayon kay Tuguegarao City Police Director P/Supt. Pedro Martirez, ito’y matapos na mamatay si Julius Gadduang, nursing examinee habang ginagamot sa St. Paul Hospital sa bandang ala-1:30 ng madaling-araw.
Binuo na ang fact finding team upang imbestigahan ang malagim na trahedya kung saan kabilang ang regional state prosecutor, Tuguegarao City prosecutor, hepe ng pulisya at ang Department of Interior and Local Government Region 2.
- Latest
- Trending