TUGUEGARAO CITY, Philippines – Kamatayan sa nalalapit na Kapaskuhan ang sumalubong sa 15-katao kabilang ang siyam na Nursing student habang 14 iba pa ang nasugatan matapos na makulong sa nasusunog na hotel sa Tuguegarao City, Cagayan kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa PNP Regional Information Officer na si P/Supt. Danilo Acosta, ang mga biktima ay kabilang sa 41 Nursing graduates mula sa University of La Sallete sa Santiago City at Aldersgate College sa Solano, Nueva Vizcaya ang sasailalim sana sa Nursing Licensure Examination kahapon.
Lumilitaw na nag-check-in ang mga biktima sa Bread and Breakfast Hotel kung saan malapit sa Tuguegarao City People’s Collesium na katabi ng himpilan ng pulisya at bombero.
Base sa ulat ng pulisya na isinalaysay ng La Sallete University Clinical instructor na si Susan Santiago, siyam na Nursing students ang unaccounted at pinaniniwalaang nilamon ng apoy ay sina Jerome Saet, Frances Caranbas, Nelmar Galapia, Marlon Viernes, Ryan James Malaki, Richard Alan Gonzales, Ronwaldo Respicio, Narl Gensan Lopez at si Henderson Welle Lodevico.
Ayon pa sa ulat, nasawi rin sa sunog sina Norman Fondevilla, Amibel Fondevilla, Mildred Fondevilla, Karyll De Leon, Josh de Leon at ang kasambahay na si Jenny.
Naisugod naman sa Tuguegarao People’s Hospital ang mga sugatang sina Dondi Viernes, Joricar Agconor, Richard Rodriguez, Jerome Lactao, Alejandro Ralph Marcial, Hencee De Laza, Joe Tuliao, Julius Gadduang, Ian Gadduang, Joni Tamani, Sony Boy Corpuz at Wisdom Nurca.
Sugatan din isinugod sa Cagayan Valley Regional Medical Center sa Barangay Carig ang mag-asawang may-ari ng hotel na sina Pete at Arased Fondevilla.
Nabatid na ang pamilya Fondevilla ay may-ari rin ng Sunshine Motor Parts Center na nasa ground floor ng nabanggit na hotel.
Ayon kay P/Senior Supt. Mao Aplasca, provincial police director, nagsimula ang sunog ganap na ala-una y medya ng madaling-araw kung saan naapula bandang alas-6 ng umaga.
Nahihiwagaan naman ang pulisya sa isang traysikel drayber dahil alas-3 na ng madaling-araw bago pa naipagbigay-alam sa kalapit na fire department ang naganap na sunog kung saan nilalamon na ng apoy ang buong gusali kung saan nagtulung-tulong na apulahin ang apoy ng mga pamatay-sunog mula pa sa malalayong bayan at karatig pook.
Sinabi rin ng pulisya na walang kaukulang fire alarm system ang nabanggit na hotel maging ang mga bintana ay naka-iron grills habang patuloy naman ang imbestigasyon. Dagdag ulat nina Charlie Lagasca at Ricky Tulipat