P1.5 M kargamento hinayjack
MARILAO,Bulacan, Philippines — Apat na pinaghihinalaang notoryus na miyembro ng isang hijacking gang ang muli na namang sumalakay na tumangay ng P 1.5 M halaga ng mga appliances sa bayang ito kahapon ng madaling-araw. Kinilala ang mga hinarang na driver na sina Eduardo Taguba 58, residente ng Brgy. Ibayo, Pasig City, mga pahinanteng sina Vandolf Rebadonia 24, at Elmer Sabarillo 23 ng Brgy. Isla Puting Bato sa Tondo, Manila at mga empleyado ng Sun Gold Forwarding Corp. sa Pasig City. Base sa imbestigasyon ng pulisya dakong alas 2:30 ng madaling-araw ay lumabas sa Pier 2, Port Area, Manila ang isang Mitsubishi Canter closed van (WTR-340) na minamaneho ni Taguba na naglalaman ng sari-saring produkto na pag-aari ng Samsung Corp.at pagsapit sa isang madilim na bahagi sa naturang lugar ay biglang sumulpot ang apat na kalalakihan na nakasuot ng PNP uniform saka pinahinto ang sasakyan. Agad na tinutukan ng apat na suspek ang mga biktima gamit ang iba’t ibang kalibre ng baril saka tinalian at piniringan ang kanilang mga mata bago inabandona sa isang lugar sa Ilang-Ilang St., Brgy. Sta. Rosa ll sa bayan ng Marilao habang tangay naman ang mga produkto at kasalukuyan pang hinahanap ng mga awtoridad.
- Latest
- Trending