Resort owner dinukot ng Sayyaf

MANILA, Philippines - Dinukot ng mga armadong kalalakihan na pinaghihinalaang miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang isang resort owner nitong Huwebes ng gabi sa Brgy. Lanote, Isabela City, Basilan.

 Sa ulat ni Sr. Supt. Cristeto Gonzalodo, kinilala ang biktima na si Lario Tam de los Santos alyas Mr. Font, Filipino, nasa hustong gulang, may-ari ng Farmland Resort sa lungsod ng Isabela.

 Bandang alas-7:10 ng gabi ng dukutin ng mga armadong kidnapper ang biktima sa mismong resort nito sa nasabing lugar.

 Ayon sa imbestigasyon, bigla na lamang sumulpot sa lugar ang mga armadong kidnaper lulan ng isang van at puwersahang tinangay patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Sinabi ng opisyal, na agad na naglatag ng chokepoints at checkpoints ang pinagsanib na elemento ng pulisya at militar upang ligtas na mabawi ang bihag.

Samantalang bumuo na rin ng Crisis Management Committee sa pamumuno ni Isabela City Mayor Cherry Akbar para sa negosasyon sa ligtas na pagpapapalaya sa bihag.

Show comments