MANILA, Philippines - Matagumpay na nailigtas ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya ang isang 8 anyos na batang babae habang nasakote naman ang isa sa mga kidnaper sa rescue operation nitong Biyernes ng umaga sa bayan ng Pigkawayan, North Cotabato.
Sa phone interview, nilinaw ni AFP- Eastern Mindanao Command (AFP-Eastmincom ) Chief Major Gen. Arthur Tabaquero na negatibo ang unang napaulat nitong Huwebes na nabawi na ang bihag dahilan kahapon lamang ito nailigtas.
Kinilala ni Tabaquero ang nasagip na biktima na si Cristina ‘Kazie' Tamayo, 8-anyos, Grade 3 pupil sa Montessori Elementary School sa bayan ng Pigkawayan .
Ang biktima ay dinukot ng mga armadong tauhan ni Pentagon kidnap for ransom (KFR) Commander Alonto Tahir nitong Huwebes sa Brgy. Poblacion, Pigkawayan kung saan napatay ang ama nitong negosyante na si Allan Tamayo matapos na pigilan ang pagdukot sa anak.
Sa panayam naman kay Col. Cesar Sedillo, Commander ng Army’s 602nd Infantry Brigade, dakong alas- 5:30 ng umaga nitong Biyernes ng magsagawa ng raid ang kaniyang mga tauhan sa pinagkukutaan ng mga kidnaper sa Brgy. South Manuagan, Pigkawayan.
Sa nasabing operasyon ay nasakote ang kidnaper na si Jomar Ungkaya habang nakatakas naman ang isa pa nitong kasamahan. Samantalang ang napatay na kidnaper na patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ay sa hot pursuit operation nitong Huwebes kung saan binawian ito ng buhay matapos na isugod sa Amado Hospital sa bayan ng Midsayap.
Inihayag ni Sedillo na ang biktima na ligtas na nabawi ay isinailalim sa ‘traumatic remedial measure ‘bago itinurnover sa kaniyang pamilya.