MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang legal officer ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Region 9 matapos itong burdahan ng saksak ilang metro ang layo sa kanilang tahanan sa Zamboanga City kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang napaslang na si Arnel Wahab ng Brgy. Guiwan, Zamboanga City.
Sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang krimen sa kahabaan ng E. Perez Drive sa Brgy. Guiwan bandang alas-6 ng gabi.
Nabatid na sinundo ng biktima ang anak nitong si Ahanshaina Wahab sa Immaculate Concepcion Elementary School.
Nang malapit na ang mag-ama sa kanilang tahanan ay hinarang saka kinaladkad ang biktima kung saan isinagawa ang krimen sa bakanteng lote na may ilang metro lang ang layo sa bahay ng pamilya Wahab.
Nagawa namang makatakbo ni Ahanshaina sa kanilang tahanan sa matinding takot at naipagbigay-alam sa kanyang kasambahay ang naganap na krimen.