MANILA, Philippines - Sampung sundalo ng Phil. Army at isang sibilyan ang iniulat na napaslang makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army sa panibagong paghahasik ng karahasan sa Barangay Perez sa hangganan ng mga bayan ng Catubig at Las Navas, Northern Samar noong Martes ng hapon.
Gayon pa man, tumanggi muna si AFP-Central Command Chief Lt. Gen. Ralph Villanueva na tukuyin ang pagkakakilanlan sa mga sundalong napatay dahil kailangan pang impormahan ang pamilya ng mga ito.
Samantala, kinilala naman ang sibilyang napatay na si Joven Kabe, 9, na niratrat ng mga rebelde habang lumalangoy sa ilog.
Naisugod naman sa ospital ang dalawang sugatang sundalo na sina Cpl. Ricardo Cabral at Pfc. Heder Pavilion.
Nabatid na idineklarang ceasefire ng AFP sa CPP-NPA-NDF ay mag-uumpisa ngayong araw (Disyembre 16) na tatagal hanggang Enero 3, 2011.
Nabatid na pabalik na sa kampo ang tropa ng Army’s 63rd Infantry Battalion kaugnay ng implementasyon ng ceasefire nang ratratin at pasabugan ng landmine ng mga rebelde.
Ikinalungkot naman ng hepe ng Army’s 8th ID na si Major Gen. Mario Chan ang insidente lalo na at abala ang mga sundalo sa paghahanda sa tigil-putukan kung saan ay ipinaabot din nito ang pakikiramay sa naulilang pamilya ng mga biktima.