2 kinidnap na estudyante pinalaya na
MANILA, Philippines - Pinalaya na ang kinidnap noong Disyembre 7 na dalawang estudyante ng Mindanao State University sa Brgy. Mentering, sa bayan ng Piagapo, Lanao del Sur noong Lunes ng gabi.
Ayon sa hepe ng Army’s 1st Infantry Division na si Major Gen. Romeo Lustestica, ang mga bihag na sina Shiela Mae Vidal, 18, Hotel and Restaurant Management student at Alcher Balicuatro, 19, Engineering student, ay pinawalan bandang alas-10:30 ng gabi kung saan sinalubong ni Brig. Gen. Reynaldo ng Army’s 103rd Brigade.
Isinailalim sa medical check-up ang dalawa bago dinala sa tanggapan ni MSU President Macapado Muslim.
Inihayag naman ng Crisis Management Committee ni Marawi City Mayor Fahad Salic na walang ransom na ibinayad kapalit ng kalayaan ng dalawa.
Magugunita na kinidnap ng grupo ni Jamael Pumbaya ang dalawa sa bisinidad ng MSU kung saan humingi ng P1 milyong ransom na naibaba sa P.2 milyon.
- Latest
- Trending