MANILA, Philippines - Nasilat ng militar ang tangkang pambobomba sa eskuwelahan matapos marekober ang eskplosibo sa bayan ng Talayan, Maguindanao kamakalawa ng hapon. Ayon sa tagapagsalita ng 6th Infantry Division na si, Col. Prudencio Asto, narekober ng tropa ng Squad Bravo Company ng 6th Infantry Battalion ang improvised explosive device sa may gate ng Midtimbang Elementary School.
Nakatanggap ng impormasyon ang militar hinggil sa kahinahinalang bagay na inabandonang kahon sa nasabing eskuwelahan kaya mabilis na nagresponde ang 6th Explosives Ordnance Division team na bitbit ang mga K9 dogs.
Agad namang nai-detonate ang bomba bago pa man ito makapinsala ng mga estudyante at guro. Pinaniniwalaan namang mga rebelde ang nasa likod ng tangkang pagpapasabog sa eskuwelahan.