BULACAN, Philippines – Habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ng mababang korte laban sa isa sa anim na kumidnap sa anim na miyembro ng pamilya Tsinoy kung saan pinatay pa ang dalawa sa Barangay Santo Cristo, San Jose Del Monte City, Bulacan noong Hulyo 19, 1999.
Base sa 29-pahinang desisyon ni Judge Virgilita Bautista-Castillo ng Regional Trial Court Branch 12 bukod sa pagkabilanggo sa akusadong si Juanito Pataray ay pinagbabayad rin siya ng P.2 milyong danyos perwisyo sa mga biktima habang nananatili naman ang alias warrant of arrest sa mag-pinsang sina Rommel Libarnes at alyas Akey habang ang iba pang akusado na naunang hinatulan ng korte ay sina Domingo Reyes, Joselito Flores at Alvin Arnaldo.
Base sa record ng korte ang mga biktima mula sa pamilya Yao ay dinukot sa pag-aaring paultry farm sa nabanggit na barangay saka humingi ng P5 milyong ransom kung saan pinatay ang dalawa matapos na hindi makapagbayad ng malaking halaga ang pamilya. Naaresto si Pataray na gumamit ng alyas Eric Chavier habang nagpapagamot sa Jose Reyes Memorial Hospital noong Abril 26, 2006.