4 patay sa road mishap

MANILA, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa nalalapit na Kapaskuhan laban sa apat-katao habang walong iba pa ang nasugatan makaraang mabangga ng pampasaherong jeepney ang motorsiklo bago nito sinuwag ang punungkahoy sa gilid ng highway ng Alubijid, Misamis Oriental kama­kalawa ng gabi.

Kabilang sa mga nasawi ay sina Eddie Magsalay, driver ng motorsiklo at retiradong pulis; Sonny Boy Bacadon, driver ng jeepney; anak nitong si Leo Ba­cadon, 5; at pasaherong si April Poblete.

Sugatang naisugod sa Northern Mindanao Medical Center sina Lucita  Namocot, Emily Bustamante, Geraldine  Vanye, Josal  Ca­ballero at iba pang hindi natukoy ang pagkakakilanlan.

Batay sa ulat na nakara­ting sa Camp Crame, dakong alas-8:25 ng gabi nang maganap ang road mishap sa national highway sa Brgy. Laguilod sa na­sabing bayan.

Lumilitaw na magkasunod na tumatahak sa nabanggit na lugar ang motorsiklo at jeepney nang maganap ang aksidente.

Sumabog ang isa sa mga gulong ng jeepney kaya sumalpok ito sa sinusundang motorsiklo bago binangga ang puno.

Show comments