MANILA, Philippines - Nasamsam ang may P.5 milyon halaga ng marijuana bricks habang tatlo katao ang inaresto sa isinagawang checkpoint ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at La Union Police sa La Union.
Kinilala ang mga suspek na sina Efren Esteban, 21, ng Baguio City; Brendo Baludda, 42, at isang menor-de-edad na nakilala lamang sa alyas Totoy, 16, pawang taga-Barangay Bayabas, San Gabriel, La Union.
Nakatakas naman ang isa nilang kasamahan na kinilalang si Jordan Paayas matapos tumalon sa 10 talampakan na lalim ng ilog.
Sinasabing dakong alas–2:30 ng madaling-araw nang masakote ng mga awtoridad ang isang Delica van na may plakang BDA-785 na minaneho ni Esteban na siyang ginagamit sa pagpuslit ng may 128 kilo ng marijuana bricks. Nakapiit na ang mga suspek sa PNP La Union para sa kaukulang pagsasampa ng kaso laban sa mga ito.