MARILAO, Bulacan , Philippines —Bumagsak na sa puwersa ng pulisya isang miyembro ng hijacking group kasabay nang pagkabawi sa may P.5 milyong pisong produkto na kinulimbat ng grupo nito, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Provincial Director P/SSupt. Fernando Villanueva ang mga biktima na sina Donato Francisco 33, Mark Anthony Marquez 28, kapwa mga empleyado ng Megavia Corp. na nasa Brgy.Tikay, Malolos City habang kasalukuyan namang nakapiit ang suspek na si Bornio Socito Jr., 39, ng Vista Verde Subd., Brgy. Kaybiga, Caloocan City. Narekober sa suspect ang isang 38 rev.
Base sa imbestigasyon dakong alas-7:30 ng umaga ay namataan ni Alvin Estuaria, 33, salesman ng naturang kompanya ang kanilang sasakyang Mitsubishi Canter ( XHE-257 ) na naglalaman ng kalahating milyong pisong halaga ng sigarilyo at agad na iniulat ito sa pulisya na kaagad nagsagawa ng police checkpoint sa Brgy. Abangan Sur, Marilao na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at pagkakabawi sa produkto.
Bago ito ay pinara ng ilang kalalakihang nakasuot ng mga jacket at bull cap na may tatak ng PNP na nakasakay sa walang plakang motorsiklo ang naturang sasakyan na magdedeliber sana ng produkto sa isang supermarket sa Brgy. Tuktukan, Guiguinto saka pwersahang isinakay ang dalawang biktima sa isang Toyota Innova na walang plaka na nakapiring ang mga mata at inabandona sa isang lugar sa Mabalacat, Pampanga.