Bus bumangga sa puno: 4 utas
MANILA, Philippines – Apat katao ang kumpirmadong nasawi makaraang aksidenteng sumalpok ang isang pampasaherong bus sa puno ng acacia sa tabi ng highway sa bayan ng Matnog, Sorsogon nitong Biyernes ng madaling-araw. Ayon kay Police Regional Office (PRO) V Director Chief Supt. Cecilio Calleja, tatlo sa mga biktima ay pawang dead-on-the-spot sa insidente na kinilalang sina Mylene Caldoza, 22 ng Jaro, Leyte; Julito Boracho, 42 ng Caloocan City at isang tinatayang 7-anyos na batang lalaki na 'di natukoy ang pangalan na hinihinalang anak ni Boracho. Ang isa pang biktima na si Jonalyn Maravillas ng Calbayog City, Samar ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan. Patuloy namang ginagamot ang mga sugatang biktima. Sinabi ni Calleja, bandang alas-12:05 ng madaling-araw ng mangyari ang sakuna sa KM 640, Maharlika Highway , Brgy. Bolo, Matnog ng lalawigang ito. Nabatid na masyadong mabilis ang takbo ng PP busline na may plakang NOE- 834 kaya’t nawalan ng kontrol sa manibela ang driver nitong si Juvert Mondia bunsod upang sumalpok sa puno ang behikulo. Nabatid na ang bus na nakarehistro sa pangalan ni Felipe Pilapil ay galing sa Metro Manila at patungong Ormoc City, Leyte nang maganap ang aksidente. Sumuko naman sa mga awtoridad ang driver ng bus na si Mondia na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide.
- Latest
- Trending