Ambush: 2 patay, 2 pa sugatan

MANILA, Philippines - Nabahiran ng dugo ang kampanya sa pagka-pa­ngulo ng Association of Brgy. Chairman (ABC) makaraang masawi ang dalawa katao habang dalawa pa ang na­sugatan sa ambush sa Donsol, Sorsogon nitong Miyerkules ng hatinggabi.

Kinilala ang mga nasa­wing biktima na sina Oro Mira­bueno at Danilo Razo; pawang nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Isinugod naman sa pagamutan ang mga sugatang sina Andrew Hernandez at Argel Her­nandez.

Batay sa ulat, sinabi ni Army’s 9th Infantry Division (ID) Spokesman Major Harold Cabunoc, dakong alas-11 ng hatinggabi habang ang mga biktima ay magkakaangkas sa kanilang mga motorsiklo ng sundan ng mga armadong suspek na lulan rin ng motorsiklo. Pagsapit sa kahabaan ng highway ng Brgy. Cristo, Donsol ay pinagbabaril ang mga ito ng mga salarin saka mabilis na nagsitakas sa lugar .

Lumilitaw sa imbestigas­yon na kagagaling lamang ng mga biktima sa pangangampanya para sa ABC Chairmanship sa Brgy. Alin sa bayang ito ng mangyari ang insidente.

Isa namang sa pangunahing motibo na sinisilip sa kasong ito ay ang matinding alitan sa pulitika.

Show comments